Post credit: Abante TONITE Online /  Juliet de Loza-Cudia

4 NA ‘NANG-INSULTO’ KAY POPE KINASUHAN

  • Wednesday, 21 January 2015 00:00
  • Written by  Juliet de Loza-Cudia

Sinampahan ng Philippine National Police ng kasong paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code (RPC) o Offending Religious Feelings at pag­labag sa Batasang Pambansa No. 880 o illegal assembly ang apat na katao kabilang ang tatlong babae at isang lalaki nang tangkain ng mga itong insultuhin si Pope Francis sa kanyang pagdating sa ti­nu­luyang Apostolic Nunciature noong Enero 17.

Kabilang sa mga kinasuhan ng PNP na kinatawan ni P/Insp. Ernesto de Bien Jr., ng Candon City Police Station, Ilocos Sur at ni PO3 Johnel Domingo, ng San Fernando City Police Station sina Felix Bruce Bertos, 36; Restituta Samonte, 21; Esmeralda Cruz, 19, estudyante; at Hazal Apao, 39, missionary.

Ayon sa report, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon malapit sa Apostolic Nunciature sa kanto ng Quirino at Taft Avenue, Maynila noong Enero 17 habang papasok na sa kanyang tinutuluyan ang Pope nang iladlad ng apat ang dala nilang tarpaulin na nagsasaad ng “Ika-2 utos, Huwag ka­yong sumamba, yuyukod at maglilingkod sa diyus-diyusan, larawan o rebulto ng ano mang nilalang. Exodo 20:4-5”;  “Only Jesus Christ can save you from sin and hell”; at “Kamatayan ang kabayaran ng kasalanan ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Hesukristo na ating Panginoon. Roma 6:23”.

Ang ginawa umano ng apat ay nakaakit sa atensyon ng mga Ka­toliko at deboto na ma­sa­yang nagsisigawan nang makita si Pope Francis.

Nalaman na ang apat ay miyembro ng Evangelical Christians at nang hingan kung mayroon silang permit para mag-assembly ay walang naipakita.